Kay VJ galing kay LEN2
VJ Kaibigan
Ako po si Len asawang inulilang lubos ni Venjo.
Anim na taon ng pagiging magkaibigan dahil kay
Ginny. Siyam na taon ng pagiging magkasintahan.
Dalawang taon ng pagiging mag-asawa. Eksakto
ngayong araw na ito isang buwan na mula ng
magdiwang kami ng ikalawang anibersaryong kasal
mga panahong aming pinagsamahan. /////
Dama kong bawat isa sa atin ay may pagtangi kay
Venjo o kaya ay sa kanyang mga minamahal. Sa mga
panahon ng aming pagsasama ay tunay na nabuhay
kaming ganap ang kasiyahan sa kabila ng aming mga
kinakaharap na mahirap pag-daanan. Sadyang
madaming nagyayari sa bawat araw. Pero kahit
naiiyak kaming dalawa sa hirap, aaliwin ako
palagi ni Venjo sa pagsasabing hindi bale masaya
at andito pa rin tayo 'di ba? Tuloy ang
buhay. /////
Malalim na tao si Venjo. Kahit napakadali siyang
makaibigan, mahirap ganap na malaman at maunawaan
ang pag-ibig sa kaloob-looban ng kanyang puso.
Pinalad ako na nitong huling buwan ng kanyang
buhay ay nagawa kong mabatid ang laman ng kanyang
puso kahit wala siyang sinasabi, nabigyan namin
ito ng pangalan sa aming huling usapan ng gabing
bago siya pumanaw nasabi at naipahayag niya lahat-
lahat. /////
Kahit may problema hindi nawawala ang pagpapatawa
kay Venjo. Pareho kami na madalas natatawa at
nakakatapo ng dahilan upang tumawa. Maraming
malulutong na halakhak ang pinagsaluhan kasama
lalo na ang mga San Beda boys at si Atoy nitong
mga huling sandali ng aming buhay. Ang isang
madalas na biro niya sa akin ay ang magkunwaring
masakit and dibdib niya at di siya makahinga.
Siyempre natataranta ako 'pag malapit na ako
umiyak sa takot bigla siyang tatawa ng malakas at
sasabihin "Hon, practice lang para pag totoong
namatay ako ay sanay ka na." Sabi ko sa kanya,
pag totoong namatay ka dahil lagi mo akong
niloloko hindi na ako maniniwala. Kaya hanggang
ngayon hinihintay kong sabihin niya na practice
lang lahat ito. Biro lang. /////
Bago kami ikasal alam ko na may sakit siya at
maaring konti lang ang panahon na aming
ipagsasama. Pero sa araw ng aming kasal ay
nasulat sa Phil. Star na ayon daw sa Hindu
tradition napaka swerte ng araw na iyon kayat
lahat ng ikakasal sa araw na ito ay magsasama ng
7 lifetimes. Ang patawa nga dito ni Venjo kawawa
naman daw siya pitong habang buhay and kanyang
sentensya na isang babae lang ang kasama. Paano
naman daw yung ibang magaganda na makikita niya?
Dalawang taon lang kaming nagsama bilang mag-
asawa pero masasabi ko na ang saya, pagmamahalan
at pagkakaibigan na pinagsaluhan naming ay
katumbas ng saya na madadanas sa pitong
lifetime. /////
Walang pinipiling tao si Venjo. Malapit siya lao
na sa mga karaniwang tao. Mahal na mahal niya si
Nato (yon nga unang gusto niyang pakasalan at
makasama kung magunaw ang mundo). Sila Marlyn,
Dadyn, Rolly, Ningning, Doreng, Edoy, Rey, Berto,
Kula, Totong, Dante at lahat-lahat ng nagsilbi sa
kanya. Pati na 'yung Chef ng Shanghai Bistro na
nagluluto ng paborito nyang pansit. Na hindi
naming pareho alam ang pangalan. /////
Maraming kahinaan at pagkukulang si Venjo. Pero
sa kanyang sariling paraan ay nakakapagpuno siya
at nakabawi. Kaya nga kung may hinihingi yan ang
hirap tanggihan dahil sa kanyang kakaibang
charisma. /////
Isa sa magandang ugali na natutuhan ko kay Venjo
ay ang palaging sabihin ang salamat po. Malaki o
maliit man na kabutihan paulit-ulit niyang
pasasalamatan. Lagi bago kami matulog sasabihin
niya ang "Salamat ha." Kaya nga po gusto ko
sabihin sa inyong lahat ang pasasalamat namin sa
inyong pagiging narito at sa lahat ng kabutihang
inyong pinadarama ngayong napakalungkot ng aming
pamilya. Gusto ko rin sabihin kay Venjo
na "Salamat pards!" /////
Masakit at mahirap man ang aking pinagdaanan
ngayon pero kahit ilang milyong beses handa kong
paulit-ulit na danasin basta ikaw, Venjo, and
aking makakapiling.
Posted 11:02
|